Maghihintay Muli ang Orasan
Para sa Manggagawang Pilipino, lalo na sa mga Guro
[Written in June 2025, this poem came after I cleaned my classroom with my first batch of SPJ students—a space I had barely called my own for a week before I was assigned to a new workstation.]
(Since pasukan na bukas, MANAKIT MUNA TAYO NG DAMDAMIN)
Maghihintay muli ang orasan sa titig mo bago ka magmadali.
Hahalikan mong muli ang baso, o gagawing salamin ang plato—
tanging saksi sa paulit-ulit na pag-alis nang wala pang laman ang tiyan.
Gagawin mong baton muli ang kutsara’t tinidor,
na para bang armas sa digmaan ng araw-araw.
Magtitiis ka na naman hanggang kinsenas,
magtatyaga ka na naman hanggang atrenta,
habang ang talampakan mo’y nagmamakaawang huminto.
Magpapanggap kang masigla sa kabila ng nananakit mong mga paa,
tatawa ka sa mga batang hindi mo anak,
habang tinuturuan silang mangarap sa mundong halos ayaw silang paniwalaan.
Lalanghap ka muli ng simoy ng pagsusumikap,
amoy chalk, alikabok, pawis, at panalangin.
Bibilang ka muli ng araw.
Magpapanday ka muli ng isipan—hindi lang ng mga bata, kundi ng sarili mong halos malusaw na pag-asa.
Titiisin ang siklo ng palaging pagkatalo,
ang pait ng pagiging segunda-manong ‘di kailanman paborito.
Aasa ka na naman sa asenso,
mag-aabang sa pangakong lumang-luma na.
Mapapako ka na naman sa ayuda,
makikipaglaban sa pwesto,
makikipag-unahan sa atensyon,
at kapag nagtagumpay, pagkakamali pa ang magyabang.
Mauubos kang muli dahil sa kabibigay,
kaalaman, oras, pera, puso.
Hanggang bumigay muli ang iyong diwa at katawang-lupa.
Iiyak ka na naman—dahil kulang ka.
Aalalahanin mo na naman ang buhay ng iba,
At ang mga biyayang hindi kailanman mapapa-sa'yo.
Pero wala kang magagawa.
Sundalo ka lang na sumusunod sa kumpas ng mandato,
hawak ang lapis o ballpen imbes na sandata.
Sa dulo kasi ng araw—
masang Pilipino ka lang.
Pero kahit kailan, hindi ka ‘lang’.
Comments
Post a Comment
Any message?